ONLINE (mga dagli tungkol sa FB)



LIKE

“Ang sabi nina Papa at Mama, mas maraming taong magdarasal, mas maririnig ng Diyos ang hiling. Pero bakit po nandito ako ngayon?” umiiyak na tanong ng limang taong gulang na si Macmac nang salubungin siya ni San Pedro.

Pero lalong bumuhos ang kanyang mga luha sa isinagot nito.

“Ikinalulungkot ko pero hindi nakaabot sa langit ang mga like nila sa larawan mo.”

###





LOVE

“Dear Tatay, happy 58th birthday! Sana ay maging masaya ka sa araw mo. Salamat sa pagiging mabuting ama. Salamat sa lahat ng sakripisyo mo para sa aming magkakapatid. Wala ako ngayon dito kung hindi dahil sa inyo ni Nanay. I love you, Tay! I love you soooooo much!”

Sinamahan pa ni Mary Joy ng larawan nila ng kanyang ama ang isinulat niya bago i-post sa Facebook.

Napangiti siya nang makitang sa loob lang ng limang minuto ay napusuan na ng dalawampu’t isang katao ang status niya.

“Mary Joy, ikaw na nga ang mag-reply sa mga nag-text sa akin.”

Inilapag niya sa sofa ang cellphone niya at lumapit sa kanyang ama upang sundin ang iniutos nito.

“Sabi ko naman kasi sa kanila eh tumawag na lang kung babati at hindi ko naman mababasa,” sabi pa ng Tatay niya habang sunod-sunod pa rin ang paglabas ng mga puso sa iniwang cellphone ni Mary Joy.

###





SHARE

“Walang pasok...”
Shared.
“Pasikatin natin ito...”
Shared.
“Bago niyo husgahan ang mga batang ina...”
Shared.
“Advance mag-isip...”
Shared.
“Wala na. Finish na...”
Shared.

“Gising ka pa rin, Mara? Ano pa bang ginagawa mo diyan?
“Wala po, ‘Ma.”
“Maaga pa ang pasok mo bukas. Magpahinga ka na.”

At tuluyan na nga siyang pinagpahinga ng itinatagong kalungkutan at ng mahigpit na lubid sa kanyang leeg.


###



VIRAL

“Sinubukan ko lang videohan sarili ko habang kinakanta ang favorite song ko. Sana magustuhan ninyo.”
“Wow! Kaboses ni Bruno Mars!”
“Ang linis ng boses at pagtugtog ng gitara!”
“Guys, panoorin ninyo ito. Ang galing ni Kuya!”
“Ang ganda ng boses mo. Sana naging boses ka na lang.”
“Lumalaki butas ng ilong mo kapag pataas na `yung nota! Hahahahaha!”
“Pasensya na pero it’s a ‘NO’ for me. Balik ka na lang next season kapag mukha ka nang tao.”
“Ano bang mukha iyan? Mukha pa ba iyan?”
 “Paanorin ninyo paano siya kumanta. Nakakatawa!”
“Viral ka na, kuya. Hahahaha!”

Pinindot na lamang ni Marlon ang Cancel Button saka umiiling na isinara ang laptop. Mahirap pala talaga kapag advance ka mag-isip.

###




PROFILE


Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang paningin. Nasa loob siya ng isang estrangherong silid kasama ng mga estrangherong lalaki.  

“S-sino kayo? N-nasaan ako?” nalilitong sabi niya, saka biglang natigilan. “S-sino ako?”

Wala siyang maalala, at habang pilit niyang inaalala ay patindi lang nang patindi ang kirot na nararamdaman niya sa kanyang ulo.

“Sino ako?” naghihisterya niyang sabi.

Nagwawala pa rin siya nang bigla siyang turukan ng iniksyon sa kanyang braso. Gusto pa niya sanang umalma sa sobrang kalituhan ngunit unti-unti na siyang pinapanawan ng lakas upang gawin iyon.

Ngunit bago agawin ng dilim ang kanyang paningin ay narinig pa niya ang pag-uusap ng mga estranghero.

“Doc, ano hong nangyayari sa Kuya Marco ko?”
“Sa tingin ko ay malaki ang naging epekto sa kanyang memorya ng pagkakabagok niya. Pero sa tulong ng makabagong teknolohiya ay madali na siyang makakaalala.”

Paggising niyang muli ay may nakalagay nang cellphone sa kanyang kanang kamay. Ang sabi ng binatilyong panay ang tawag sa kanya ng “Kuya Marco” ay malaki ang maitutulong niyon sa pagbalik ng memorya niya.

Tatlong araw lang ay halos kilala na ulit niya ang kanyang sarili bagamat hindi pa bumabalik ang kanyang mga alaala. Alam na niya kung sino siya, sino-sino ang mga kaibigan niya, saang mga paaralan siya nag-aral at ano-ano ang mga paborito niyang lugar, pagkain at kanta. Alam na rin niyang kapatid niya ang binatilyong tumatawag sa kanyang “Kuya Marco.”

Salamat talaga at lubos siyang kilala ng Facebook.

###


You Might Also Like

0 comments