Paano mo ipakikila ang pag-ibig sa madilim na mundo niya?


Nawalan ng kulay ang kanyang mundo nang mabigo siya... Dumilim. Parang nawalan ng araw at mga bituin.

Kaya kung hindi niya agad makita ang iyong pagtingin, pasensya ka na. Kung hindi niya mapansing nagpapapansin ka, kung hindi niya mabasa sa iyong mga mata ang mga salitang "Mahal kita", kung hindi niya agad makilala ang pag-ibig nang makaharap ka, pasensya ka na.

Nawalan ng kulay ang kanyang mundo nang mabigo siya... Dumilim. At wala na siyang ibang makita.

Kahit ang mga kamay mong handang umalalay sa kanya ay baka hindi na niya mapansin. 

Baka nga itaboy ka pa niya kapag nalaman niyang nandiyan ka. Baka tanggihan niya nang paulit-ulit ang iyong pag-aalala. Baka sabihin niyang hindi ka niya kailangan at kaya niyang mag-isa.

Nawalan ng kulay ang kanyang mundo nang mabigo siya... Dumilim. Ngunit hindi nawala ang kanyang pandinig.

Ilarawan mo sana sa kanya kung gaano kaganda ang pagsikat ng araw lalo na sa mga taong gusto nang sumuko ngunit muling nabubuhayan tuwing sasapit ang umaga. Sabihin mo sa kanya kung paanong nagliliwanag ang paligid sa bawat halakhak na puno ng tunay na saya. Ibulong mo sa kanyang mga tainga na magliliwanag din ang mundo niya, kung makikinig lang siya.

Dahil kahit nawalan ng kulay ang kanyang mundo nang mabigo siya, hindi nawala ang kanyang pandama.

Hayaan mo siyang damhin ang sakit. Hayaan mo siyang umiyak, maglupasay o kahit pa magwala. Hayaan mo siya hanggang sa mapagod siya at masaid na ang kanyang mga luha. Saka mo ipaalalang hanggat pumipintig ang nasa kanyang dibdib ay mayroon pa siyang emosyong maaaring madama. Maaaring hindi pagmamahal, ngunit maaari siyang ngumiti kahit paunti-unti. Kahit pakunwari. Hanggang sa ang pagkukunwari ay unti-unting magkatotoo. Itaboy ka man niya nang paulit-ulit, walang sawa mo sanang ipadama kung gaano kasarap ang muling tumawa.

Nawalan man ng kulay ang kanyang mundo, hindi nawala ang kanyang mga paa. 

Alalayan mo siya hanggang sa dulo ng lagusan kung saan naghihintay ang nakangiting umaga. Akayin mo siya kahit gaano katagal,  kahit gaano kabagal ang pag-usad ng kanyang mga lakad o kahit pa ang hakbang niya ay pautal-utal. Gabayan mo siya hanggang sa marating niya ang yugto kung saan siya maaaring muling makapagsimula.

Nawalan ng kulay ang kanyang mundo nang mabigo siya... Dumilim. At mas gusto niyang mapag-isa kaya baka itaboy lang niya ang kahit na sinong magnanais na tumulong sa kanya.

Ngunit kung talagang totoo ang mga nakasulat sa iyong mga mata, manatili ka sa tabi niya hanggang sa magliwanag at magkaroon ng kulay ang kanyang mundo. Manatili ka sa tabi niya hanggang sa kaya na niyang mabasa ang mga salitang "Mahal kita". Manatili ka sa tabi niya hanggang sa handa na siyang makipagkilala sa bagong mukha ng pag-ibig na nasa harap niya.


You Might Also Like

0 comments