Hayaan mo na



Hindi na magiging gaya ng dati sa pag-alis niya.

Wala nang “Good morning!” sa umaga. Wala nang “Ingat ka” sa tuwing magpapaalam ka. Wala nang “Kain na” sa tanghali. Lalong wala nang “I miss you”  kapag bigla ka niyang naalala.

Wala nang magpapaalala sa iyo kung ano ang tama. Wala nang magbabawal sa iyo sa mga kilos mong hangal. Wala nang magsasabi ng “Tara! Sabay na tayong umuwi.”

Mahirap nang umorder sa fastfood dahil wala nang maghahanap ng bakanteng mesa habang bumibili ka. Mahirap nang manood ng nakakatakot dahil pagkatapos, mag-isa ka na lang ding mamamaluktot. Mahirap nang kumain sa buy one take one dahil ikaw na lang ang lalaki ang tiyan.

Pero hayaan mo na.

Walang saysay ang bumati ng “Magandang umaga” kung hindi naman kayo masaya. Walay saysay ang magpaalam ng iyong lakad kung wala na siyang pakialam. Walang saysay ang maghintay ng text ng taong hindi ka na maalala.

Hindi man magiging gaya ng dati sa pag-alis niya, hindi na rin naman magiging gaya ng dati kung mananatili siya.

Hayaan mo na. Magiging gaya ka rin ng dati noong hindi mo pa siya nakikilala. Siguradong mas matatag pa.



You Might Also Like

0 comments