True love is worth the wait


“Kapag nagmadali ka, marami kang makakalimutan,” ang laging paalala ni Mommy sa akin.

Na tama naman.

Magmadali kang pumasok sa eskuwela, makakalimutan mong dalhin ang project na pinaghirapan mo kagabi. Magmadali kang pumasok sa trabaho, makakalimutan mong ibulsa ang ID o cellphone mo. Magmadali kang magdalaga, makakalimutan mong i-enjoy ang iyong kabataan. Magmadali kang yumaman, makakaligtaan mo ang iyong kalusugan. 

Magmadali kang magmahal, sarili mo ang iyong makakalimutan.

Bakit nga ba kailangang magmadali sa pagmamahal?

Kasi malungkot ang mag-isa habang sila, meron na? Kasi mabubuo lang ang kulang sa atin sa tulong ng iba? Kasi mas doble ang saya kapag may kasama?

Nakakalungkot naman talaga na habang sila, may bumabati na ng “magandang umaga” hindi pa man nila idinidilat ang kanilang mga mata, ang unang makikita mo sa umaga ay ang mga larawan nila sa Facebook na hihilingin mong langgamin talaga ng totohanan dahil sa sobrang ka-sweet-an.

Nakakalungkot ang maglakad sa kalsada kasabay ang magkasintahang mahigpit ang hawak sa isa’t isa samantalang sa bag lang nakakapit ang iyong mga kamay. Mapapasabi ka na lang sa sarili ng: “At least, kapag may dumaang snatcher, sila ang unang mananakawan.”

Nakakalungkot na habang kumain kang mag-isa sa Jollibee, lalapitan ka nang magsyota para maki-share ng table. Tapos maglalandian pa sa harap mo, di ba?

Nakakalungkot nga ba talaga?

Hindi siguro kung hindi natin ikinukumpara ang sarili sa iba.

Habang nagmamadali tayong maghanap ng mamahalin, nakakalimutan nating ang una dapat ay ang mga sarili natin.

Huwag nating iasa sa “Good morning” ng iba ang ikagaganda ng paggising natin. 

Huwag isiping kung walang mga kamay na mahigpit ang hawak sa atin ay hindi tayo kasing valuable nila kaya kailangang bigyan ng atensyon palagi.

Huwag paniwalain ang sariling sasarap lang ang pagkain kung pipiktyuran muna kasama ang jowa natin.

Dahil ang pagiging single ay hindi lang relationship status, sa halip ay isang katagang naglalarawan sa mga taong hindi dumidepende sa iba para lumigaya.

Maniwala ka, hindi mo kailangan magmadali sa pag-ibig para makumpleto ang iyong pagkatao. 

True love is worth the wait.


Huwag mo sanang kakalimutan.

You Might Also Like

0 comments