Kung hindi ka na masaya sa kanya...



Kung hindi ka na masaya sa kanya, sabihin mo na. Hindi yung iba pa ang magsasabi sa kanya.
Kung hindi ka na masaya, magpaalam ka na. Nagawa mo ngang mag-hello sa kanya nung hindi pa kayo magkakilala, di ba? May lakas ng loob ka rin dapat na makapagpaalam sa kanya.

Kung hindi ka na masaya, huwag nang magpilit ngumiti kung sa bawat paghawak niya, gusto mong pamangiwi.
Kung hindi ka na masaya, huwag ka nang magpanggap. Hindi siya nangangarap ng kunwa-kunwariang saya.
Kung hindi ka na masaya, huwag kang umarte na gusto mo pa kahit ayaw mo na. Hindi ka artista. Kung hindi ka na masaya, bumitiw ka na. Para kung sakaling gusto mo nang kumapit sa iba, hindi mo na hawak ang kamay niya.
Kung hindi ka na masaya, talikuran mo na siya. Para hindi mo na kailangang itago ang kaligayahan mo sa piling ng iba kapag nakatalikod siya. Kung hindi ka na masaya, tuldukan mo na kaysa magtanim ka pa ng napakaraming tandang pananong sa isip niya.

Kung hindi ka na masaya, pakawalan mo na siya. Huwag mong isiping binibigyan mo siya ng pabor sa pagkulong mo sa kanya sa loob ng mga bisig mo.
Kung hindi ka na masaya, huwag ka nang maghanap ng iba para sumaya. Eh di tatlo na kayong hindi masaya.
Kung hindi ka na masaya sa kanya, sabihin mo na. Kung gaano ka katapang noong sabihin mo sa kanyang mahal mo siya, ganoon din dapat kapag kailangan mo nang sabihing hindi na.

Masasaktan mo siya ngayon, sigurado, pero mas masasaktan mo siya kung ipagkakait mo sa inyong dalawa ang pagkakataong maging tunay na masaya.

Masasaktan mo siya ngayon pero kapag naalala ka niya sa hinaharap, hindi na mga sakit at pait ang nasa kanyang gunita... kung hindi ang mga aral na natutunan niya sa iyong pagkawala.

Masasaktan mo siya ngayon pero balang araw, kapag dumating na ang tamang lalakeng makapagbibigay ng mga bagay na hindi mo kayang ipagkaloob sa kanya, ipagpapasalamat niya ang iyong pagdating at paglisan sa buhay niya.

Kaya kung hindi ka na talaga masaya, sabihin mo na lang...

Para makapagsimula na rin siya ng bagong yugto.



You Might Also Like

0 comments