Ansing

Kaibigan, ikaw lang ang makakaintindi. Ikaw lang ang makakaintindi kung bakit kahit ako’y galing sa paghimbing, ako’y gigising na parang di naman nakapagpahinga. Hindi hikab kundi buntong-hininga ang lalabas mula sa mga labìng napapansin kong nanunuyô,
mga ilang araw na. O linggo. O buwan. Di ko na maalala Kung kailan ba noong huli akong nagmulat ng mata At nasabi sa sariling kay ganda ng umaga. Ikaw lang ang makakaintindi
kung bakit di pa man dumarating ang mga pagsubok para sa aking maghapon ay para na kong tinutupok Ng kabog sa dibdib kong nagdadabog.
Oo’t mahihiluhin ako at maganda raw sa dugo ang baká. Kaya ba binigyan mo ko ng sobra-sobra? Ang tagal naman umandar ng jeep,
bakà mabulok na ko mamaya sa kalsada. Silipin ko muna ang cellphone ko sa bag at bakà wala na pala.
Teka, tatlong beses ko nang tiningnan, di ba? Bakà magkamali na naman ako mamaya.
Hindi na lang siguro ako magsasalita. Bakà. Bakà. Bakà. Nakakapagod din palang makibaka sa sarili mong mga pangamba. Mabuti na lang, nandiyan ka. Ikaw lang ang makakaintindi’t makauunawa na kahit parang hinihila ang puso ko pababa ay pinipilit kong tumingala. Na kahit ako’y giniginaw, mainit pa rin akong babati ng “Magandang araw”. Na may nag-aamba mang mga luha sa pisngi, tutugon pa rin ako sa abot-tainga nilang ngiti. Salamat at nandiyan ka. May makaiintindi sa akin
dahil lubos mo akong kilala. Alam mo kung saan ako masaya, kung saan ako mahina at magaling. Alam mo kung saan ako takot at kung saan ko ayaw maihambing. Alam mo dahil ganun ka katiyaga na kahit sa paghimbing ko, ikaw’y nandiyan pa rin. Pinananatili akong gising sa mga ideyang hanggang bukang- liwayway kong iisipin. Alam mo ring hindi ako negatibong tao at marami akong pangarap, gusto at plano. Ngunit hindi ko mabuo-buo. Dahil alam mong hindi ko kaya. Sabi mo pa nga, Baka lang ako’y mapahiya at sa harap nila’y magmukhang tanga. Dahil ang sabi mo, hindi ako sapat. Hindi ako ang nararapat Sa lahat-lahat ng mga bagay Na nasa aking mga kamay. Dahil ang babala mo pa, magkakamali At magkakamali at magkakamali ako Hanggang sa piliin ko na lang na mawala sa mundo—Hindi! Kaibigan. Hindi ako ganyan. Hindi. Hindi kita kaibigan. Wala akong kakilalang Kabalisahan ang ngalan.



You Might Also Like

0 comments