Ang Pinakamagandang Love Story


Sumusulat ako ng mga kuwento ng pag-ibig. Mga kathang-isip na hangad ay magpakilig. Mga istorya na para sa mga hopeless romantic.

Noon.

Noon iyon… noong hindi pa natutuyot ang isip ko sa pag-iisip ng ideya kung paano mahuhulog ang loob ng isang masungit na lalake sa isang childish na babae. Kung ano-ano ang mga kwelang paraan para makapagpapansin ang isang tao sa kanyang gusto. Kung  ano-anong mga eksena ang makapagpapakilig sa mga mambabasa ko.

Noon iyon… noong ang sabi ko sa aking sarili, hindi dapat sa­ tuldok lamang matapos ang malulungkot na mga pangungusap. Na kung hindi man sa totoong buhay, kahit ang sarili kong  mga likha man lamang ay mabigyan ng masayang wakas. Na ang pagkakaroon ng isang prince charming ay hindi lamang pangarap. Na totoo ang happy ending.

Kahit hindi naman talaga.


Ilang kuwento na rin ng pag-ibig ang aking naisulat. Ilang beses na rin akong umibig, nasaktan, nakasakit. Ilang taon na rin akong naghihintay sa pagdating ni Prince Charming para ako’y sagipin gaya ng pagsagip ng mga bidang lalake sa mga bidang babaeng naisulat ko.

Pero iba ang dumating.

Ang totoo, hindi siya dumating. Sa tinagal-tagal kong nakatingin sa malayo, bigla akong napalingon sa paligid, at noon ko siya napansin—nakatingin din sa kung saan. Hanngang sa lumingon din siya, at sa unang pagkakataon, sa tinagal-tagal naming magkakilala, noon lamang naglapat ang aming mga mata. Sa sandaling iyon, alam naming may nagbago. May nabuo. Na para bang noong sandaling iyon lang kami unang nagkita.

Saka ko napagtanto...

Na kapag nakita mo na siya, hindi mo na gugustohing magkaroon ng happy ending. Ag hihilingin mo ay sana, hindi matapos ang bukas sa inyong dalawa. Ang gugustuhin mo ay maging happy lang palagi. Walang katapusan. Walang tuldok.

Dahil kapag nakita mo na siya, hindi na sa pag-iisip ng mga kuwento matutuyo ang utak mo kundi sa pag-iisip sa kanya. Na ang lahat ng pagpapa-cute ng heroine na isinulat mo ay gagawin mo para mapansin ka lang niya. Na hindi na kailangan ng mga bulaklak, harana,  fireworks o kung anumang magarbong bagay para kiligin ka.

Dahil kapag nakita mo na siya, mapagtatanto mong ang pinakamagadang love story sa mundo ay hindi mo masusulat kailan man o mababasa sa kahit anumang pahina, pabalat o kahit saan pa.

Ang pinakamagandang love story sa mundo… ay ang sa sarili mo.



You Might Also Like

0 comments